55-anyos na Street Sweeper, Nakapagtapos sa Kolehiyo

Habang pinagsasabay ang pagtatrabaho para sa kaniyang pitong anak at pag-aaral, naka-graduate ngayong taon si Ofelia Mondaya, isang street sweeper sa Batangas City sa ilalim ng kursong Business Administration.
Bilang isang scholar sa edad na 55 sa Colegio ng Lunsod ng Batangas, marami ang humahanga sa determinasyon at inspirasyong hatid ni nanay Ofelia.
Bago nakapasok sa kolehiyo, nagtapos muna sa alternative learning system (ALS) program ng Department of Education si Mondaya.
Pagkatapos nito, ay tinulungan siya ng kaniyang supervisor na magkaroon ng flexible working schedule upang hindi makaapekto sa kaniyang pag-aaral.
Sinabi ng isa sa kaniyang mga anak na bagaman hindi sila nakapagtapos, si nanay Ofelia ang tumupad ng pangarap nilang ito sa kabila ng kahirapan sa buhay.
Dagdag naman ni nanay Ofelia, hindi na natin dapat hintaying magkaedad bago maisip ang kahalagahan ng edukasyon, dahil sa pamamagitan daw nito, makatutulong tayo sa ating kapwa.