90 Porsyento ng mga Imprastraktura sa Catanduanes Sinalanta ng Bagyong ‘Rolly’, Ayon sa Datos ng PNP


Tinatayang umabot sa 90 porsyento ng mga pasilidad at imprastraktura ang nasalanta bunsod ng hagupit na pagragasa ng bagyong ‘Rolly’ sa lalawigan ng Catanduanes batay sa partial assessment ng Philippine National Police (PNP).

Magsasagawa naman si PNP Chief Gen. Camillo Cascolan ng damage assessment at personal na tutukuyin ang kasalukuyang sitwasyon ng naturang lugar matapos itong salakayin ng itinuturing na isa sa mga pinakamalakas na bagyo na pumasok sa bansa ngayong taon.

Handa naman ang higit 17,000 pwersa ng mga pulis sa iba’t ibang rehiyon na labis naapektuhan ng bagyo sakaling kailanganin ang mga ito anumang oras upang tugunan ang pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan.