ABS-CBN Provisional Franchise, Pasado sa Kongreso
Pasado na sa House of Representatives ang House Bill 6732 na naglalayong bigyan ng provisional franchise ang broadcast company ABS-CBN hanggang sa katapusan ng Oktobre habang pinoproseso pa sa Kongreso ang franchise renewal application nito.
Ipinaliwanag ni Speaker Alan Peter Cayetano, na siyang sumulat sa Bill, na maipagpapatuloy ng ABS-CBN ang operasyon nito at matatalakay ng Senado at Kamara ang mga isyu ng network nang sabay sa pamamagitan ng isang provisional franchise.
Dagdag pa ni Cayetano na dapat umanong mas bigyang-pansin at prayoridad ng Kongreso ang krisis ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kaysa sa isyu ng isang pribadong korporasyon.
Kailangan na lamang ng pormal na approval ng bill sa House plenary at Senado bago ito maging epektibo at payagan ang ABS-CBN na muling umere.
Positibo naman ang reaksyon ng ilang senador tulad nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senator Manny Pacquiao hinggil sa pagkakapasa ng House Bill.
