Baby Boy, Isinilang sa Eroplano

Isang karanasang hindi malilimutan. Ganito inilarawan ng mga flight attendants at piloto ang kanilang karanasan matapos mag labor at manganak ang isa sa kanilang pasahero.
Sakay ng Philippine Airlines Flight PR659 mula Dubai patungong Manila ng biglang mapaanak ang kanilang pasahero habang nasa ere sa taas na 38,000 feet noong Hunyo 6.
Pinangunahan ng Cabin Manager na si Daisy Castellano at 2nd officer Fidel Ala ang pagpapaanak kung saan ayon kay Ala kailangan niyang tumawag sa radio satellite phone habang dahan dahan na sinasabi sa kanya ng Doctor ang mga dapat gawin.
Sinabi pa ni Ala na kinailangan niyang idrawing ang sinasabi ng doctor para masiguro na tama ang pamamaraan at instructions na ipinaparating sa kanya.
Matapos maipanganak ang bata at sa pangunguna ni Captain Mark Palomares, agad lumapag ang eroplano sa pinakamalapit na Airport, Suvarnabhumi International Airport sa Thailand para masiguro na ligtas ang bata at ang ina nito.
Pinangalanan namang Ali ang bata kung saan ang ibig sabihin ay “elevated” o “most high” isang makahulugang pangalan sa makahimalang kapanganakan.