Bagong LIGTAS 3 Isolation Facility ng Las Piñas, Binuksan na

Opisyal nang pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang pagbubukas ng pinakabagong LIGTAS 3 isolation facility bilang bahagi sa pagpapalawig ng Anti-COVID response efforts ng lungsod kontra sa paglaganap ng sakit.
Dumalo sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar, at Vice Mayor April Nery na siya ring nanguna sa isinagawang seremonya para sa naturang pasilidad na kung saan matatagpuan sa Barangay Almanza Dos, Las Piñas.
Ang bagong LIGTAS 3 isolation facility ay binubuo ng 26-container vans na nagmula sa kagawaran ng DPWH na mayroong kabuuang 99-rooms na fully airconditioned, single bed at may kanya-kanyang palikuran.

Inilaan ang 96 na kuwarto para sa mga pasyente, at ang nalalabing bilang ay para naman sa mga medical workers na siyang nangangalaga sa kalusugan ng mga ito.
Lubos naman na pinasalamatan ng alkalde ang suportang hatid ng DPWH para sa kanilang lokal na pamahalaan sa pagsugpo nito sa paglaganap ng pandemyang kasalukuyang kinakaharap ng bansa, at hinimok ang mga residente na panatalihin ang pagsunod sa minimum health standards upang maiwasan ang panganib na dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).