top of page

Barangay Chairman sa Tarlac, Pinasok ang Online Selling para Tulungan ang mga PWDs


Photo from Facebook/TheVictorianDiaries

Maliban sa pagtupad ng tungkulin bilang isang public servant, pinasok na rin ni Barangay Chairman Loida Sarmiento ng barangay Mangolago sa bayan ng Victoria, Tarlac ang pagbebenta ng ilang personal na gamit at tinawag niya itong "Ukay Ukay For A Good Cause" sa pamamagitan ng online selling para makalikom ng pondo at matulungan ang mga persons with disabilities (PWDs) sa naturang lugar.

Ayon sa panayam ng Radyo Pilipino kay Sarmiento, layunin nitong tulungan ang mga PWDs na hirap makabili ng saklay, adult walker, at iba pa. Kaya naman pursigido ang barangay chairman na gamitin ang impluwensiya ng social media upang mas mapabilis at mapadali ang kaniyang pagbebenta at ilaan ang kabuuang kita nito para sa pangunahing pangangailan ng mga PWDs.

Nang sumapit ang unang linggo ng Agosto ay nagsimula nang mamahagi ang barangay chairman ng pangunahing pangangailangan ng mga PWDs, kabilang na ang saklay at adult walker.

Inspirasyon ni Sarmiento ang kanyang apat na anak na nagsisilbing lakas upang gampanang maigi ang kanyang tungkulin at magbigay ng dobleng serbisyo sa kabila ng krisis na kinakaharap ng bansa.

bottom of page