top of page

Boxing at Horse Racing, OK na rin sa IATF


Aprubado na rin at makababalik na sa kanilang kabuhayan ang professional boxing at horseracing, kasama na ang mga lisensiyadong individual sa industriya mula sa Games and Amusement Board (GAB).

Inaasahan na lalawak pa ang mga sports na posibleng payagan sa mga susunod na araw sa mga lugar na pinapatupad ang mas pinagaan na General Community Quarantine.

Sa paglilinaw ng GAB sa mga naunang pahayag ng Inter-Agency Task Force, kinatigan ang naunang desisyon nina DILG Secretary Eduardo Ano at DOLE chief Silvestre Bello ang ‘go-signal’ sa boxing batay sa ipinapatupad na health protocol.

“Aprubado na rin po ang pagbiyahe ng ating mga boxers para makalaban sa abroad. Ipinaliwanag naman namin na tulad ng mga OFW (Overseas Filipino Workers), kabuhayan ang nakataya sa ating mga boxers sa paglaban sa ring lalo na sa abroad,” pahayag ni Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS)

“For more than three months, talagang kawawa ang ating mga boksingero. No fight, No pay ang mga ‘yan. Pareho namang ite-test ang magkalabang boxers, at papayagan lamang ang laban after lumabas ang resulta ng COVID-19 test,” ayon kay Mitra.

Sa kampo naman ng horseracing, opisyal nang magbabalik ang industriya sa Hulyo 19 sa Manila Turf.

“Actually, talagang sakripisyo ang industriya ng karera, patalo itong mangyayari sa Metro Turf dahil hindi pa rin pinapayagan ang mga OTB (Off-Track Betting) na pinagmumulan nang pondo ng karera. Pero, atleast napayagan na, tiyaga lang tayo,” pahayag ni Mitra.

Batay sa health protocol, ipinagbabawal ang Inter-Island boxing promotions at nililimitahan lamang sa 10 ang manonood sakaling ang lugar na pagdarausan ay nasa ilalim ng ECQ.

“I’m calling and pleading with our boxing promoters, matchmakers at organizers. Mga kaibigan natin silang lahat, huwag muna tayong dumayo. Pinayagan na tayo, stay put lang. Kung sa GenSan, mga taga-GenSan lang ang maglalaban, bawal ang mula sa Davao o anumang panig ng bansa,” dagdag pa ni Mitra.

bottom of page