'Bring Your Helmet' at Cashless Transactions, Ipatutupad para sa mga Motorcycle Taxis


Ipapatupad ng Department of Transportation (DOTr) ang ‘bring your helmet’ at cashless transactions para sa mga motocycle taxis sakaling payagan na ng pamahalaan ang balik operasyon ng mga ito sa lansangan.

Ayon kay DOTr Assistant Secretary Goddess Libiran, ang pagpapatupad ng naturang panuntunan ay ganap ng maayos at isasapinal na lamang ng kongreso ang pag-apruba sa muling pag-arangkada ng mga motorbikes for hire sa kalsada.

Nasa ilalim ng panuntunan ang mahigpit na pagdadala ng sariling helmet at pagsusuot ng face mask bilang bahagi ng health protocol ng ahensya upang maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit na kasalukuyang lumalaganap sa buong bansa.

Dagdag ni Libiran, may mga ilang reklamong nakarating sa kanilang tanggapan ukol sa pagsusuot ng helmet ng mga pasahero at upang maiwasan ang hawaan ay mas makakabuti kung magdadala na lamang ang mga ito ng sariling helmet.