top of page

Bulacan Provincial Capitol, Sarado ng 1-Week Dahil sa COVID-19


Bulacan Provincial Capitol. Photo from Facebook/provincialcapitol.bulacan

Ipinasara sa loob ng isang Linggo ang gusali ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang isailalim sa disinfection makaraang may tatlong empleyado dito ang nagpositibo sa COVID-19.


Agad ipinag-utos ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang isang linggong pansamantalang pagsasara ng nasabing gusali na matatagpuan sa Capitol compound sa Lungsod ng Malolos na tatagal mula Agosto 10 hanggang Agosto 14.


Ang pansamantalang pagsasara ay magbibigay-daan sa disinfection ng bawat tanggapan sa nasabing gusali ng Kapitolyo at magsasagawa rin ng masusing contact tracing sa mga taong naka-halobilo ng mga empleyadong nagpositibo sa COVID-19.


Ayon naman kay Maricel Santos, hepe ng provincial public affairs office ng kapitolyo, ang lahat ng tanggapan sa Pamahalaang Panlalawigan ay magpapatuloy pa rin ang operasyon gaya ng dati. 


Ang mga empleyado sa isinarang gusali ay pansamantalang ililipat sa Hiyas ng Bulacan Convention Center para sa patuloy na pagbibigay ng serbisyo publiko ng kapitolyo.


Matatandaan may ilang tanggapan na rin sa loob ng Capitol Compound ng Pamahalaang Panlalawigan ang sumailalim na rin sa proseso ng disinfection dahil sa may ilang empleyado at mga detainees ang nagpositibo sa COVID-19.


Kabilang sa mga ito ay ang Dialysis Center ng Bulacan Medical Center, Public Attorney’s Office, Criminal Investigation and Detection Group-Bulacan at provincial Jail.

By: BENEDICT ABAYGAR, JR.

bottom of page