Census 2020, Tuloy na sa Setyembre

Mahigpit na Safety at Health protocols ang susundin ng nasa 140,000 Data Enumerators at Census Supervisors sa isasagawang Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority (PSA), para sa taong 2020, ngayong Setyembre.
Ipinagpaliban muna ang pagsasagawa ng census, na unang itinakda noong Mayo, dahil sa malawakang lockdown na ipinatupad sa bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.
Sinabi naman ni National Statistician Claire Dennis Mapa na susunod ang mga data enumerators sa safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, at pagtalima sa physical distancing. Magsusuot din ang mga ito ng uniforms upang madaling matukoy ng mga mamamayan.
Ayon pa kay Mapa, hindi na tutuloy ang Data Enumerators sa mga lugar na may mataas na bilang ng COVID-19 cases upang masiguro ang kaligtasan ng lahat, sa payo na rin ng City at Municipal Mayors.
Pwedeng pumili mula sa apat na modo ng surveying ang mga kabahayan: Face-to-Face Interview, Telephone Interview, Computer-aided Questionnaire, Self-administered Questionnaire na babalikan na lamang ng mga Enumerator.
Bagamat nakaschedule ang census mula ika-1 hanggang ika-30 ng Setyembre, inamin ni Mapa na pwedeng matagalan pa ito lalo na sa high-risk areas.
Makikipag-ugnayan naman ang PSA sa Local Government Units (LGU) kung sakaling ma-expose ang isang enumerator sa isang COVID-positive patient upang agad na makapagsagawa ng contact tracing.