Charges, Withdrawal Limit sa ATM Pinatatanggal sa mga Banko

Nanawagan si Quezon City Rep. Alfred Vargas sa banking industry na tanggalin ang mga withdrawal limit sa kanilang automated teller machine (ATM) ngayong nananatili ang National Capital Region (NCR) sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ito ay makaraang makatanggap ang kongresista ng ulat na may ilang bangko ang nagpatupad ng P5,000 cap o limit ng halaga na maaaring i-withdraw sa ATM kada araw.
Sinabi ni Vargas na bukod pa rito, mayroon pang ipinapataw na charges kapag nag withdraw ang isang customer sa ibang bangko o tinatawag na interbank charges ngayong nasa ilalim ng MECQ.
Aniya, walang konsiderasyon ang ipinatupad na limit sa maaaring ma-withdraw na pera sa ATM gayong maraming kababayan ang pumila ng mahaba mula sa malayo pang lugar para lamang makakuha ng kanilang sariling pera.
Apela ni Vargas sa mga bangko na tanggalin na ang withdrawal cap gayundin ang P15 interbank fees dahilan sa kailangan ng publiko ang pera para panggastos sa susunod na dalawang linggo.