City Government ng Maynila, Nagbukas ng Libreng Drive-thru COVID-19 Testing Center

Opisyal nang binuksan ng Manila City Government ang kauna-unahang drive-thru coronavirus disease 2019 (COVD-19) testing center sa harap ng Andres Bonifacio Monument upang mas paigtingin at palakasin ang mass testing sa bansa.
Nilinaw naman ni Manila Mayor Isko Moreno, residente man o hindi ng lungsod, at anumang uri ng sasakyan ay libreng mapapakinabangan ang COVID-19 testing center na hatid ng City Government ng Maynila.
Kasama ang Members of the Manila Health Department (MHD) sa drive-thru testing center sa naturang lugar tuwing Lunes at Biyernes mula alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon para kumuha ng blood sample sa mga nagnanais na sumailalim sa pagsusuri.
Para naman sa mga walang sariling sasakyan at nais makapag-avail ng libreng COVID-19 testing ay maaring pumunta sa mga ospital ng Maynila kung saan mayroong serology testing machines o kaya naman ay tumungo na lamang sa pinakamalapit na health center ng kanilang lugar.