• Radyo Pilipino News Team

Commuter Group, Hiniling sa LTFRB na Silipin ang "Kill Switch" System ng TNC


Hiniling ni Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) Founder Atty. Ariel Inton sa Land Transportation Franchising amd Regulatory Board (LTFRB) na imbestigahan ang isang Transport Network Company (TNC) kaugnay ng tinatawag na "kill switch".

Ito ang ibinunyag ni Inton kasunod ng kanilang natatanggap na sumbong mula sa mga Transport Network Vehicle Services o TNVS providers laban sa isang TNC na may come-on na "Drive to Own" at "Kill Switch" program na pang-akit nila sa mga providers.

Ani Inton, mae-enganyo talaga ang mga providers sa scheme ng TNC na ito at base sa mga sumbong, ang sistema ng TNC sa halagang P20,000 ay lalakarin nila na magkaroon ka ng kotse at ang TNC na rin ang bahalang maglakad ng provisional authority at prangkisa para maging TNVS at may technology pa na tinatawag na "kill switch" kung saan ay maaari nilang ma-disable ang sasakyan at hindi umandar ang makina.

Lumalabas na proteksyon di umano ito ng mga drivers at may ari ng sasakyan laban sa mga carnappers dahil hindi nila mapapaandar ang sasakyan.

Sinabi ni Inton na dahil sa ganda ng offer at pahirapan maka-apply ng prangkisa bilang TNVS ay marami ang pumatol sa ‘Drive to own', 'Kill Switch' offer ng isang TNC.

Napag-alaman sa ilang pumatol sa offer na madali nga silang nagkaroon ng sasakyan subalit hindi naman agad nakakuha ng provisional authority o kaya ang franchise ang TNC.

Ang sabi ng mga tauhan ng TNC ay basta nasa platform sila ay maaari na silang mamasada at "bahala na sila sa huli".

Naniniwala si Inton na lumalabas na colorum ang mga ito dahil walang PA o prangkisa subalit dahil may monthly na babayaran na ang mga may ari ng sasakyan ay napipilitan silang mangolorum.

Subalit dahil hindi naman kalakasan ang pasada ng TNC ngayon ay hindi nakakabayad ng monthly payment ang kumuha ng sasakyan kung kayat maaari na i-disable o patayin ng ‘Kill Switch Program’ ng TNC ang makina ng sasakyan o hindi na ito aandar na nangyari nga mismo sa maraming providers ng hindi makabayad ng monthly payment ng sasakyan.

Idinagdag pa ni Inton na hindi lamang sa carnapping ginawa ang ‘Kill Switch’ ng mga sasakyan kundi maging sa mga hindi makapag bayad na kumuha ng sasakyan ay madali rin ma-disable ang makina dahil sa naturang bagong sistema. --- by: BENEDICT ABAYGAR, JR.