• Malou Manuel

COPA, Handang Magbigay ng Ayuda sa Swimming Community


Habang hindi pa naibabalik sa normal ang katayuan ng amateur sports, kabilang na dito ang swimming, sinabi ni two-time Olympian at SEA Games swimming record holder Eric Buhain na handa ang Congress Organization in Philippine Aquatics (COPA) Inc. na magsagawa ng mga programa para matulungan ang mga coaches, trainers at iba pang indibidwal sa sector ng sports na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

“Actually, nabuo naming ang COPA kasama ang mga kapwa ko swimming coaches at mga kaibigan bago pumutok ang COVID-19. Kasama sa programa namin ang magsagawa ng training at seminars, but with COVID-19 pandemic, natuon ang pansin namin sa fund-raising para matulungan natin ang ating mga kasama na umaasa sa swimming,” pahayag ni Buhain.

Gumagawa na rin ng programa ang COPA para mabigyan ng ‘loan’ ang mga swimming coaches and trainor para sa sisimulang maliit na negosyo tulad ng online selling para masustentuhan ang kanilang kabuhayan.

“Natutuwa kami at marami tayong mga kaibigan na talagang nagbigay ng tulong, so far mahigit 500 swimming group na ang tumutulong sa COPA. Yung unity and malasakit buhay na buhay sa swimming community,” sambit ni Buhain sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS)

Sa kasalukuyan, suportado ni Buhain ang panawagan ng swimming community na maaprubahan ng Inter-Agency Task Force ang pagbabalik ng swimming hindi lamang para sa kabuhayan bagkus sa katatagan ng mga atleta.

“May mga pag-aaral naman na talagang nagsasabi, mismong DOH sinabi na namamatay ang virus sa tubig na may chlorine at acid which is matatagpuan sa tubig sa swimming pool. Under strict health protocol, kaya naman na maibalik na ang swimming,” sambit ni Buhain.

“Itong swimming sports naman hindi yung magtatalunan at magsasama ang mga bata. Per lane naman ito, isang swimmer per lane at salubungan. Besides, dadaan sila sa rapid test before sumabak kaya mababa ang tsansa sa hawaan,” dagdag pa ni Buhain.