Coron, Bukas na Ulit Para sa mga Lokal na Turista

Pinayagan na ng municipal Inter-Agency Task Force ng Coron, Palawan ang muling pagbubukas ng mala-paraisong tourist destination para sa mga lokal na turista sa pagluluwang ng quarantine restrictions sa probinsiya.
Ayon kay Municipal Tourism Officer Kim Ablana, ang mga lokal na residente mula sa Calimian Group of Islands - Coron, Culion, Busunga, Calauit - ang target market ng tourism office.
Upang buhayin muli ang lokal na ekonomiya sa lugar, ang mga serbisyo tulad ng island hopping, scuba diving, at iba pang land-based tours ay muli nang iniaalok simula noong Hunyo 6.
Gayunpaman, kailangan pa ring sumunod sa modified general community quarantine guidelines ng mga turista at tour facilitators at makakuha ang mga turista ng permit mula sa lokal na istasyon ng Philippine Coast Guard bago maenjoy ang mga serbisyong ito.
Upang masiguro ang pagsunod sa physical distancing, limitado lamang sa 250 katao kada araw ang island tours at 30 katao sa scuba diving.