DA Nag-abot ng P272.5-M sa Batangas para Mapalakas ang Agri Sector

Tumanggap ang Batangas province ng P272.5 milyong halaga mula sa Department of Agriculture (DA) bilang intervention para mapalakas ang sektor ng agrikultura.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, layon ng inilaang pondo na makatulong sa agriculture sector ng probinsiya na naapektuhan ng Covid-19 pandemic at African swine fever virus.
Kamakilan lang ay nagsagawa ng inspeksiyon ang kalihim para bisitahin din ang triple “A” slaughterhouse project ng departamento sa Tanauan City kabilang ang egg processing at chicken manure composting facilities sa itinuturing na “Egg Basket” sa bayan ng San Jose, Batangas.
Sa naturang ocular inspection, inanunsiyo rin ng DAR na sa pamamagitan ng National Meat Inspection Service (NMIS) ay maglalaan ng P50 milyon para mapalawak ang kauna-unahang government-owned AAA slaughterhouse na inaasahang maraming pakinabang at gamit kabilang ang cutting facilities for poultry.
Napag-alamang karagdagang P50 milyon din ang ilalaan para sa pagpapahusay ng trading center ng Tanauan City na matatagpuan sa bagong itinayong slaughterhouse.
“With your province’s proximity to Metro Manila, you can cater to food requirements of the highly urbanized region,” pahayag ni Dar.
Nabatid na sa bahagi ng bayan ng San Jose, Batangas, maglalaan ang DA at NMIS ng P50 milyong pondo para sa cutting facility upang maging matatag ang Batangas Egg Producers’ Cooperative (BEPCO) at makatulong sa mga poultry stakeholders’ ng probinsiya. --- By: BENEDICT ABAYGAR, JR.