top of page

DENR, Tuloy pa rin sa Rehabilitasyon ng Manila Bay sa Kabila ng COVID-19 Crisis


Manila Bay, Manila Philippines.

Kahit abala ang pamahalaan at prayoridad ng bansa ang pagsugpo sa COVID-19, hindi pa rin tumitigil hanggang sa kasalukuyan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa rehabilitasyon ng Manila Bay upang maging ‘mala-Boracay’ ang bay walk area nito.

Sa panayam ng Radyo Pilipino sa programang Pulsong Pinoy, binanggit ni DENR Undersecretary Benny Antiporda, kasalukuyang nasa 700 milliliters per 100 ml ang coliform level ng Manila Bay, at layunin ng kagawaran na maiibaba patungong 200 ml per 100 ml upang maging swimmable ito.

Gayundin, sinabi ni Antiporda na ang solar powered sewerage treatment plant sa harap ng Manila Yacht Club ay magkakaroon ng samu’t saring mga pailaw upang pagandahin ang baywalk area, lalo na kung gabi.

Layunin din ng programang ito na magtayo ng floating trash and debris boom o harang para sa mga basura sa iba’t ibang bahagi ng Manila Bay upang mapanatili ang kalinisan nito.

Espesipiko ding binanggit ni Usec Antiporda na posibleng maglagay ang DENR at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng white sand sa bay walk area upang maging heart and soul ito ng Manila Bay sa darating na hinaharap.

bottom of page