DOLE, DTI Magbabahagi ng COVID-19 Tests sa mga Manggagawa

Mabibigyan ng libreng COVID-19 swab tests ang mga manggagawa sa mga sektor ng hospitality at tourism, manufacturing, at frontline at economic priority.
Sa ilalim ng Joint Memorandum Circular No. 20-04 series of 2020 ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI), magsasagawa ng COVID-19 tests sa mga nasabing empleyado upang mapigilan ang lalong pagkalat ng pandemiya sa mga workplaces.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, sasailalim sa real-time reverse transcription-
polymerase chain reaction (RT-PCR) tests ang mga manggagawa sa hospitality at tourism sectors sa Boracay, Coron, El Nido, Panglao, Siargao, at iba pang tourist spots kada buwan.
Samantalang kada tatlong buwan naman sasailalim sa RT-PCR tests ang mga empleyado ng manufacturing companies at public service providers sa economic zones sa loob ng Special Concern Areas.
Kada tatlong buwan din i-tetest ang mga frontline at economic priority workers at ang mga manggagawa sa high priority sectors na nakikisalamuha sa maraming tao o nagtatrabaho sa special concern areas.
Sinabi pa ni Bello na dapat din tumanggap ng sick leave benefits, medical insurance coverage, ang mga workers na magpopositibo sa COVID-19 at sasailalim sa 14-day quarantine.
Makatatanggap ng RT-PCR tests ang mga nagtatrabaho sa tourist zones local, manufacturing companies, transport at logistics, food retail, education, financial services, non-food retail, services, public market, construction; water supply, sewerage, and waste management; public sector, at mass media.