DOT Siniguro ang Kaligtasan ng mga Turista sa Bansa, Transport at Health Rules Inilabas

Upang patuloy na manatiling buhay ang turismo at maibandera pa rin ang ganda ng bansa sa kabila ng dagok dulot ng COVID-19, naglabas ang Department of Tourism (DOT) ng mga guidelines para sa transport services ng mga tourists' vehicles.
Bukod sa "no mask, no boarding" policy, idiniin din ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang kahalagahan ng social distancing, kaya naman hindi papayagan ang mga bus at coaster kung walang waterproof na barriers ang kanilang mga sasakyan na maghihiwalay sa mga pasahero ng mahigit sa isang metro.
Kailangan din kumpleto ang thermometer at first aid kits na naglalaman ng wipes at tissue ang mga sasakyan na ito.
Gayundin, sinabi ng tourism secretary na kailangan ang regular na disinfection sa mga espasyo particular ang laging nahahawakan ng tao gaya ng mga upuan, handle ng pinto, switch ng air-conditioning unit at mga ilaw.
Dapat din na gumagana at nasa maayos na kondisyon ang ventilation ng mga sasakyan upang maiwasang magkaroon ng ano mang particle sa loob ng sasakyan.