DTI, Nilinaw na Hindi pa Pinapayagang Magbukas ang mga Bars sa Ilalim ng GCQ

Nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi pinapayagan sa Resolution 48 ng Inter-Agency Task Force for Management of Emerging Infectious Diseases ang pagbubukas ng mga bars sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) maliban ang restaurant dining function nito.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, malinaw na nakasaad sa resolusyon ng IATF-EID ang panuntunan sa pagbubukas ng mga food establishments sa ilalim ng GCQ kabilang na rito ang 30% operational capacity, mahigpit na pagsunod sa physical distancing at pag-operate hanggang alas 9 lamang ng gabi.
Lumitaw ang naging pahayag ng kalihim matapos ang naging insidente sa Makati City noong linggo sanhi ng paglabag umano sa Republic Act No. 11332 ng mga customer sa isang estabilisyimento na naging dahilan upang arestuhin sila kasama ang may-ari.