Dubai, Muling Binuksan para sa Foreign Visitors

Matapos ang apat na buwang pagkakasara, muling binuksan ang turismo ng Dubai sa United Arab Emirates para sa mga foreign visitors upang buhayin ang tourism industry mula sa nanghihingalong ekonomiya dulot ng pandemya.
Sinisiguro naman ni Tala Al-Shanqiti ng Dubai’s General Directorate of Residency and Foreigners Affairs na magiging ligtas ang mga turistang bibisita sa kanilang lugar kahit pa mayroong pagtaas ng kaso roon ng COVID-19.
Kinakailangang ipakita ng mga turista ang negatibong resulta nila sa test ng covid na nakuha sa loob ng apat na araw bago pa ang nakatakdang flight patungo sa Dubai, kung hindi naman ay doon na lamang isasagawa ang pagsusuri at kailangang sumailalim sa self-isolation hangga’t walang malinaw na resulta.
Kilala ang Dubai sa malalaking gusali ng mga malls, high-end restaurants at 5-star hotels ngunit nang tamaan ang city-state ng pandemya ay unti-unting bumagsak ang ekonomiya nito bunsod ng paghinto ng turismo at pagpapatupad ng mahigpit na travel restriksyon sa kanilang lugar.