Eksperto, Nagpaalala sa Kahalagahan ng Life Insurance sa Panahon ng COVID-19

Walang kasiguraduhan ang buhay ng tao sa kasalukuyan dahil sa sakit na COVID-19, kaya't ipinaliwanag ng isang Financial Literacy and Entrepreneurship Advocate at ang Colayco Foundation Executive Director na si Armand Bengco ang importansya ng pagkakaroon ng life insurance ngayon. Sa panayam ng Radyo Pilipino kay Bengco sa programang Pulsong Pinoy, sinabi niya na mas maganda at mas mainam ang inooffer ng mga insurance companies ngayon, kaysa noon, gaya ng pagkakaroon ng life protection o death benefit na P2 million, posibleng pagpapatubo ng nahulugang total amount ng isang kliyente na nakadepende sa takbo ng ekonomiya, at medical-financial assistance na P300,000 hanggang P500,000 sa ilalim ng mga common illnesses gaya ng sakit sa puso, bato, diabetes, at iba pa. Samantala, ipinahayag din ni Bengco na isinasaalang-alang na ng mga malakihang insurance companies ang pagsali sa COVID-19 sa listahan ng mga sakit na sasailalim sa medical assistance kung naka-subscribe ang kliyente sa Variable Universal Life o VUL insurance. Idiniin naman niya na dapat ang pagkuha ng insurance ang maging prayoridad ng isang indibidwal na inaasahang kumita ng pera, para sa nga beneficiaries nito na iiwan kung sakaling may mangyari 'di inaasahan.