top of page

Enrollment sa mga Pribadong K-12 Schools sa Gitnang Luzon, Bumagsak ng Halos 63%


Photo from ASEAN Post.

Bumagsak ng halos 63 porsyento ang enrollment rate sa mga pribadong eskuwelahan sa Gitnang Luzon para sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Agosto 24.

Batay sa datos na inilabas ng Department of Education (DepEd), 37.19 porsyento na lamang ng mga estudyante ng nakaraang taon o 206,869 mag-aaral ang nag-enroll sa mga pribadong eskwelahan na may K to 12 curriculums.

Labing isang pribadong paaralan din ang nagpaalam ng kanilang pagsasara ayon sa DepEd.

Sa panayam ng Radyo Pilipino kay District Education Program Supervisor Alvin Hulipas, sinabi ng DepEd official na maraming mga magulang ang hindi kumbinsido sa kakayahan ng mga institusyon na magsagawa ng online o blended learning kaya naman hindi na muna nila in-enroll ang anak sa darating na school year.

Samantalang ang iba naman ay lumipat sa mga pampublikong paaralan dahil sa problemang pinansiyal na dulot ng COVID-19 pandemic.

Sinabi naman ni Hulipas na gumagawa ng paraan ang ahensiya upang masigurong makatatanggap pa rin ng kalidad na edukasyon ang mga mag-aaral sa kabila ng mga pagbabagong magaganap.

Kabilang sa mga paghahandang ito ang training ng mga guro, planong pagtuturo lamang ng most essential learning competencies, at pagsasaayos sa mga modules na gagamitin ng mga estudyante na walang kakayahang makilahok sa online learning.

Sa huling tala ng DepEd sa buwan ng Hulyo, 2.106 million na mag-aaral ang nag-enroll ngayong taon sa mga pampublikong paaralan. Mas mababa ng mahigit 10 porsyento kaysa sa nakaraang taon.

bottom of page