top of page

Eumir Marcial, Matindi ang Paghahanda para sa 2021 Tokyo Olympics


Photo from POC-PSC Media

Mula sa kasabihan ng mga matatanda "walang hirap, walang sarap – ito ang tila pinagdaraanan ngayon ni 2021 Tokyo Olympics-bound Eumir Felix Marcial sa kanyang ginagawang pagsasanay sa ilalim ni legendary Hall of Fame coach Freddie Roach sa Wild Card Gym sa Los Angeles, California sa U.S. upang magkaroon ng katuparan ang pinapangarap na gold medal ng Pilipinas sa Olympics.


Bukod sa sakit ng katawan na tinatanggap sa paghahanda para sa Summer Games at posibleng unang professional fight sa Disyembre, dama rin ng 25-anyos mula Lunzuran, Zamboanga City ang bigat ng kalooban sa pagkamatay ng kanyang kapatid na si Ate Eliver.


“Masakit man na di ko siya makita kahit na sa huling sandali, mas pinili ko pa rin na magstay ako dito at matuloy-tuloy ako sa pag ensayo Alam ko na mas masaya siya dahil pangarap din niyang manalo ako ng Gold sa Olympics, at mag-World champion ako. pahayag ni Marcial.


“Sobra talaga sakit ng katawan ko sa training dito, kase nung unang pagdating ko dito, halos mamatay-matay ako sa training nila eh tapos derecho na tulog ko. Sa tuwing gigising ako nagrequest akong magpamassage kase sobrang sakit ng katawan ko,” dagdag nito.


Lumipad patungong Los Angeles ang 2019 World Amateur silver medalist noong nakaraang buwan upang harapin ang matinding pagsasanay kina Hall of Fame coach Freddie Roach, strength and conditioning coach Justin Fortune at Filipino protégé trainer Marvin Somodio, bilang tulong ng MP Promotions nina president Sean Gibbons at eight-division World Champion Manny “Pacman” Pacquiao sa kanyang paghahanda para sa Summer Games sa susunod na taon na nakatakda sa Hulyo 23-Agosto 8, 2021sa Tokyo, Japan.


Nilinaw ng 3-time Southeast Asian Games gold medalist na patuloy na nakatuon ang atensyon nito, kabilang ang kanilang kampo sa Olympiad. Sinabi pa ni Marcial na patuloy niyang sinusunod ang mga amateur program na ipinapadala ni men’s boxing head coach Ronald Chavez, gayundin ang tuloy-tuloy na tulong ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa kanilang pamilya. Gayunman, humingi pa rin ito ng karagdagang suporta sa Philippine Sports Commission (PSC) sa kanyang mga gastusin at pangangailangan sa kanyang page-ensayo.


bottom of page