GMRC Subject, Ibabalik na sa K-12 Curriculum

Pinirmahan na ni President Rodrigo Duterte ang panukalang bataas na naglalayong isama ang Good Manner and Right Conduct (GMRC) subject sa K-12 curriculum.
Sa naisabatas na Republic Act 11476 o GMRC and Values Education Act, papalitan ng GMRC at Values Education program ang kasalukuyang Edukasyon sa Pagpapakatao curriculum.
Umaasa si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ang principal author ng batas, na makatutulong ang mas pinaigting na GMRC program sa blended learning na gagamitin ng mga paaralan dahil sa COVID pandemic.
Ipinaliwanag naman ng senador na ituturo ang GMRC bilang hiwalay na asignatura sa Grades 1 to 6, samantalang isasali ito sa Values Education sa juinor high school, at ihahalo sa lahat ng mga asignatura sa senior high.
Inalis ang good manners subject bilang hiwalay na asignatura noong 2013, sa ilalim ng bagong K-12 program, at hinalo na lamang sa mga subjects na Edukasyon sa Pagpapakatao (ESP) at Araling Panlipunan.