• Malou Manuel

Go Signal ng PSC at POC, Hinihintay ng Karate Pilipinas Sports Federation para sa Bubble Practice


Go signal na lamang ang hinihintay ng Karate Pilipinas Sports Federation Inc. (KSFP) sa Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) hinggil sa isasagawang bubble training camp sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna bilang paghahanda sa nalalapit na Olympic Qualifying Tournament.

Inihayag ni KSFP President Richard Lim na umaasa silang masisimulan ang planong isolation training para sa mga pinoy karatekas upang makuha nila ang tamang timing, spacing, reaction at diskarte sa pakikipag-sparring na tiyak ang malaking tulong para maihanda ang anim na national team member sa World Olympic qualifying sa Hunyo 11-13, 2021 sa Paris, France.

Ang anim na karateka na ito ay binubuo nina 2019 Southeast Asian Games gold medalists Junaa Tsukii (women’s 50kgs kumite) at Jamie Lim (women’s +61kgs), at biennial meet bronze medalists Joaane Orbon (women’s -61kgs), Sharief Afif (men’s +75kgs), Ivan Agustin (men’s -75kgs) at Alwyn Batican (men’s -67kgs).

“We’re hoping that they can finally bring our athletes sa bubble so that we can do the proper timing, distancing and the reactions, but in terms of fitness and conditioning, they are in tip top shape 100%. and I’m pretty sure about that cause I seen their meetings,” pahayag ni Lim.

Gayunpaman, hindi kumbinsido si Lim sa gagawing training sa loob ng bubble camp, bagkus ay kinakailangan nila ng mga bigating makakalaban o sparring partners para mas lalo pang mahasa ang kanilang mga kakayanan at husay sa pakikipaglaban sa bansang Turkey.

“We submitted a request to PSC, that our athletes must train abroad as early as January and February, in Istanbul all of the players,” saad ni Lim. “But since training partners are a little bit scarce in the Philippines, we need to have training partners abroad, who are world class karatekas. Yung training system na ginagawa nila maa-adopt natin and at the same time nasusukat na natin yung level natin kung saan tayo,” paliwanag ni Lim.