top of page

Gobyerno, Mag-aalok ng Temporaryong Matitirahan para sa mga Health Workers na Pinaalis sa Tirahan


Pinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga health workers, na pinalayas sa kanilang tirahan dahil sa diskriminasyon, na bibigyan sila ng gobyerno ng mga temporaryong matutuluyan.

Ayon kay Duterte, sumasama umano ang kaniyang loob para sa mga Health workers na na-evict sa kanilang mga rented homes dahil sa pagkakaexpose nila sa virus.

Sinabi ng Pangulo, kung tumawag lamang ang mga ito sa opisina ni Inter-agency Task Force Secretary Carlito Galves ay bibigyan sila ng pagkain at matitirhan malapit sa kanilang trabaho.

Dagdag pa ni Duterte na magrerenta ang gobyerno ng hotel rooms para sa mga health care frontliners kung saan tatratuhin sila ng mabuti bilang pasasalamat sa kanilang sakripisyo at paglilingkod para sa bayan.

Idinagdag pa ng Punong Ehekutibo na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito upang maibigay ang pangangailangan ng lahat sa oras ng pandemiya.

bottom of page