Hindi Pagsusuot ng Face Mask, Ikinokonsidera Bilang “Serious Crime”

Ikinokonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang “serious crime” ang hindi pagsusuot ng face mask sa kabila ng kinakaharap na krisis ng bansa mula sa nakahahawang coronavirus disease 2019 (COVID-19) na kasalukuyang lumalaganap sa buong mundo.
Ani Pangulong Duterte, mas lalo pang paiigtingin ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga taong hindi sumusunod sa health and safety protocols ng gobyerno para masiguro ang kaligtasan ng publiko mula sa sakit.
Ayon kay PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar, bilang pagsunod sa panuntunan ni Pangulong Duterte, maaaring arestuhin ang mga taong walang suot na face mask sa mga pampublikong lugar at hindi sumusunod sa mahigpit na quarantine measures ng pamahalaan.
Samantala, inihahanda na ng gobyerno ang ibabahaging libreng face mask para sa lahat bilang proteksyon ng mga tao mula sa sakit at upang wala nang maging dahilan pa para hindi magsuot ng face mask ang mga tao.