• Malou Manuel

Iba’t ibang Bansa sa Asya, Saludo sa Sports Committee ng Sea Games 2019


Photo from 2019 SEA Games/Facebook

Pinuri ng mga opisyal ng mga Sporting Committee mula sa iba’t ibang kalahok na bansa sa Southeast Asia (SEA) ang Pilipinas dahil sa matagumpay na pag-oorganisa sa 30th SEA Games noong 2019, lalo na ang mga itinayong state-of-the-arts na pasilidad, ang propesyonalismo at magiliw na pagtanggap ng mga Filipino sa mga bisitang dumalo at mga kalahok sa nasabing palaro.


Sa isang video message na ipinalabas noong turnover ceremony ng 30th SEA Games Final Report Book noong Miyerkules (Nobyembre 11), binalikan ng mga Committee officials ng Singapore, Brunei, Malaysia, Thailand at Indonesia ang kanilang mga karanasan sa nakaraang SEA Games at nagpasalamat sa organizers, mga tauhan at volunteers nito.


Ang 300-pahinang Report Book na binuo ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) ay naglalaman ng mga kuwento ng pagsisikap at matinding pagmamahal sa sports na ipinamalas ng mga atleta, opisyal, volunteer at mga personnel na nasa likod ng buong SEA Games.


Pinuri ni Singapore National Olympic Committee (NOC) secretary general Chris Chan ang PHISGOC, ang Philippine Organizing Committee (POC) at ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pag-organisa sa “pinakamalaking SEA Games sa buong kasaysayan.”


Wika niya, maayos na naisagawa ng bansa ang 30th SEA Games kahit 14 taon na ang nakalipas nang huli itong naatasang mag-organisa ng isang malaking sporting event.


“Kahit malawak ang sakop ng sporting event, na umabot 56 sports at 530 events sa hiwa-hiwalay na lugar, naging maganda pa rin ang kabuuang trabaho nila,” ani Chan.


Inalala rin niya ang “friendly” at “gracious” na pagtanggap ng mga Filipino sa kanila.

“Ang ngiti ng mga Filipino at warm hospitality na pinakita sa amin sa lahat ng aming pinuntahan hindi lamang sa mga Games venue ay nakakagiliw talaga,” wika pa ni Chan habang inaalala ang Bagyong Kammuri o Bagyong Tisoy sa Pilipinas, na tumama sa bansa ilang araw lamang matapos ang umpisa ng 2019 SEA Games.


Pareho naman ang sentimyento ng opisyal ng NOC Malaysia na si Dato Nazifuddin. “Talagang na-appreciate namin ang 30th SEA Games na masasabing pinakamalaki sa kasaysayan ng SEA games kung saan maraming sports ang isinali,” wika ni Nazifuddin.


Pinuri naman ng Technical Director ng Athletics Stadium and Aquatics Center noong nakaraang SEA Games, Ibrahim Nada, ang “state-of-the-art” na Aquatic Complex sa New Clark City na kayang tumanggap ng hanggang sa 2,000 na manonood.


Sandaan tatlumpu’t lima (135) swimmers mula sa 11 bansa ang nakapaglaro sa championship na ginanap sa nasabing Aquatics facility.


Dagdag pa ni Nada, papasa itong venue ng mga international at pambansang palaro para sa swimming, diving, water polo at maging artistic swimming.


“Umaasa ako na ang New Clark City Aquatic Complex ay magbibigay ng inspirasyon at makaka-motivate sa mga Filipinong atleta at makapagbibigay ng favorable impact sa susunod na performance na makapagtataas ng competition standard sa Pilipinas,” wika niya.


Hinangaan din ni Nada ang mahusay na work ethics ng mga Filipino. “Bawat Technical official, staff member at volunteer na nagtrabaho ay nagbigay ng kanilang mataas na degree of professionalism at sinuportahan nila ang bawat delegation member na nasa Venue.


Maganda rin ang kanilang suportang binigay sa event production,” ani Nada.

Nagpasalamat din ang opisyal ng NOC Indonesia na si Harry Warganegara at ang Pangulo at CEO ng Dentsu Sports Asia na si Kunihito Morimura sa mga organizing committee at sa lahat ng Filipino para sa mainit na pagtanggap at sa ipinakita nilang propesyonalismo.

“Gusto ko talagang makabalik sa Pilipinas at makita ang mga pagbabago sa sports landscape in the Philippines,” wika ni Morimura.


Ayon naman kay PHISGOC Chief Operating Officer Ramon Suzara, ang pagiging matagumpay ng SEA Games ay dahil sa pinagsama-samang pagsisikap ng mga atleta, mga opisyal, mga sponsor, mga media at mga manonood na bumubuo sa komunidad ng SEA Games sa Pilipinas.


“Ang Final Report Book na nakatakdang ipasa sa SEA Games Federation ay sumasalamin sa “lahat ng pagsisikap na ibinuhos ng buong team at pamilyang bumubo ng PHISGOC,” dagdag ni Suzara.