Interoperability Project para sa Electronic at Contactless Toll Collection, Pinaigting ng DOTr

Upang masiguro na ligtas at kumbinyente ang bawat byahe ng mga motorista sa panahon ng COVID-19 pandemic, idiniin ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang agarang pagpapatupad ng toll collection interoperability agreement sa lahat ng toll road companies.
Kasama ng DOTr ang Department of Public Works and Highways, Land Transportation Office, Toll Regulatory Board, San Miguel Group, Metro Pacific Group at ang Ayala Group sa pagpapasimula nito noong 2017, at nais ng kalihim na mas pabilisin ang proseso ng pagpapatupad ng interoperability project na ito.
Gamit ang Radio Frequency Identification (RFID), magkakaroon ng seamless at hassle-free na byahe ang mga motorista sa iba't ibang express way. Una nang ginamit ang teknolohiyang ito sa ilang expressway sa Luzon, at hinihintay pa na tuluyang ipatupad ito sa mga natitirang toll road companies.
Ipinahayag naman ni Secretary Tugade na naging positibo ang tugon ng mga toll operators sa kaniyang panawagan at nagsasabing gagawin nila ang kanilang makakaya sa gitnan ng krisis na kinakaharap ng bansa.