• Malou Manuel

Karera 'Di Tuloy ang Pagbubukas Ngayong Hulyo 19


Photo is for illustration purposes only.

Saludo si Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa naging desisyon ng Metro Manila Turf Club, Inc. na ipagpaliban ang nakatakda sanang karera ngayong Hulyo 19 bilang pagtalima sa itinatadhana ng batas hingil sa prangkisa at ipinapatupad na health protocol.

Ayon kay Mitra ang aksiyon ng pamunuan ng MMTCI ay patunay lamang na prioridad ang kalusugan ng mga magiging bahagi ng programa, gayundin ang pagkilala sa panuntunan na nakasaad sa batas para sa pagpapatupad ng betting sa Off-Track Betting (OTB) station.

Ang nakatakda sanang 12-race program ay hudyat sa pagbabalik ng horseracing sa bansa matapos ang mahigit tatlong buwang suspension dulot ng COVID-19 pandemic.

Hindi nabigyan ng bagong prangkisa ang MMTCI bago mapaso ang lisensya nito sa Hulyo 19 – ang araw na naitakda ang programa na nauna na ring inaprubahan ng Philippine Racing Commission (Philracom) matapos mabigyan ng go-signal mula sa Inter-Agency Task Force depende sa status ng community quarantine sa lugar na pagdarausan nito.

Ngunit, ang kabiguan na mabigyan ng bagong prangkisa ang naglagay sa balag ng alanganin sa MMTCI management, dahil ang kawalan ng prangkisa ay direktang nagbabawal na magkaroon ng pustahan sa publiko, maging on-line o on-track, gayundin sa OTB station partikular sa Presidential Decree No. 1602.

“The industry has thousands of stakeholders who are adversely affected by the pandemic, and the government, too, is losing a lot in the form of unearned income from horseracing. However, in the absence of a legislative franchise in favor of MMTCI, we are deeply concerned about the criminal liability of the betting public,” pahayag ni Mitra.

“This was a painful decision on our part and we understand that it may not sit well with the betting public and our stakeholders especially our good friends at MMTCI, the jockeys, trainers and other personnel. We are very thankful for MMTC’s support on this, even as we hope and pray their franchise approval will timely move along,” dagdag pa niya.

Sa sulat ni MMTCI racing manager Jose Rodolfo Prado Jr., ipinaalam ng grupo sa Philracom, sa pamumuno ni Chairman Andrew Sanchez ang desisyon na kanselahin ang nakatakdang karera bilang pagtalima sa GAB na siyang regulatory body ng pamahalaan sa pro sports.

Iginiit naman ni Mitra na pursigido ang GAB na mapaabruhan sa IATF ang pagbubukas ng Off Track Betting Station (OTBS) sa bansa batay sa pagsunod sa itinatakdang health protocol.