Kasambahay Noon, Milyonaryo na Ngayon
Updated: Aug 14, 2020

Ibinahagi ni Ms. Milane Pindot ang kaniyang kwento ng tagumpay sa Radyo Pilipino sa programang Pulsong Pinoy, matapos siyang gumawa ng ingay sa social media bilang ang 'kasamabahay noon, milyonaryo na ngayon!' Ikinwento niya sa Pulsong Pinoy ang kaniyang buhay dati bilang isang kasambahay at janitress sa loob ng limang taon sa isang Catholic School sa Antipolo na gumagawa sa lahat ng gawain gaya ng paglilinis, pagpaplantsa sa damit ng mga madre, paglilinis ng library at marami pang iba. Ayon sa kaniya, nagsumikap siya ng husto at pinasok ang uring ito ng trabaho upang matustusan ang pag-aaral ng kaniyang mga kapatid, at maipagamot ang kaniyang ina na nagsasaka at nagtitinda. Habang nagtatrabaho sa eskwelahan si Milane, pinag-aralan niya ang paggamit ng computer sa tulong ng mga estudyante at saka nag-apply bilang online encoder. Kalaunan ay pinasok na rin niya ang networking at online selling sa ilalim ng kumpanyang nag bigay sa kanya ng oportunidad at napalago ang kaniyang negosyo. Sa kasalukuyan ay mayroon siyang sariling sasakyan at sariling bahay, napagtapos din niya ang kaniyang isang kapatid ng Nursing, at nakapagpatayo ng dalawang opisina sa Angono, Rizal. Dahil sa kwentong ito, ipinaalala ni Milane na hindi mahalaga ang kawalang-pinag aralan upang maging matagumpay sa buhay. Ang kailangan lang ay ang pagkakaroon ng masidhing kagustuhan, tiyaga at diskarte.