Kauna-unahang Artist mula Mindanao, Nakatanggap ng Gawad CCP Award

Itinuturing at ginagalang sa larangan ng installation at environmental art, si Luis Enayo Yee Jr., o mas kilala bilang Junyee ang kauna-unahang artist mula sa Mindanao na mapaparangalan ng Gawad CCP para sa Sining, ang pinakamataas na pagkilalang ginagawad ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
Tubong Barrio Sanghan, Cabadbaran City, Agusan del Norte, matatandaang gumawa ng pangalan si Junyee sa larangang ito nang makilala ang kaniyang obrang "Balag", isang bamboo installation sa loob ng University of the Philippines (UP) Diliman.
Gayundin, dahil sa taglay na kakayahan at pagkamalikhain, nagkaroon ng pribilehiyo si Junyee na maturuan ng National Artist na si Napoleon Abueva sa UP Diliman College of Fine Arts sa ilalim ng isang scholarship program.
Sinabi ni Junyee sa isang interview na dahil sa installation art, nagkakaroon siya ng kalayaan sa paglikha ng sining, at mas mahalaga sa kaniya ang proseso ng paggawa kahit pa hindi mapreserba ang kaniyang mga obra.