Kontraktuwal na mga Empleyado sa Pasig City Government, Regular na!


Photo from facebook.com/VicoSotto

Regular na ang isang daang kontraktuwal na empleyado na nasa mahigit 20 taong serbisyo na sa City Government ng Pasig matapos pirmahan ni Mayor Vico Sotto ang mga appointment papers ng mga ito kasunod ng kanyang pagdiriwang ng ika-31 na kaarawan nitong Martes.

Ibinahagi ng alkalde sa kanyang social media post na kabilang sa mga empleyadong ginawa niyang regular ay ang mga streetsweepers, engineering aide at iba pang empleyado na hindi bababa sa 20 taong serbisyo sa lungsod habang nakikita sa litrato na hawak niya ang mga appointment papers ng mga ito.

Malugod na ibinalita ni Sotto na wala nang kontraktuwal na empleyado ang Pasig city na nasa mahigit 20 taon na ang serbiyo.

Ayon kay Sotto, sinisiguro niya na magtutuluy-tuloy ang regularization campaign nito para sa mga empleyado ng Local Government Unit (LGU) ng Pasig City.

Umani naman ng libo-libong reaksyon ang nasabing post mula sa batang alkalde.