Lokal na Produksyon ng Face Shields, Isinusulong ng Gobyerno

Upang makapagbigay ng karagdagang proteksiyon laban sa coronavirus, isinusulong ng pamahalaan ang lokal na produksyon ng face shields.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, maaaring maglabas ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng mga modules upang maturuan ang mga Pilipino kung papaano gumawa ng sariling do-it-yourself face shields.
Gayundin, ang pagpo-post sa social media ng step-by-step procedures kalakip ang mga materyales na kailangan ay malaking tulong din para sa marami upang makagawa nito.
Sinabi din ng kalihim na makapagbibigay ng 99% na proteksiyon ang pagsusuot ng face shield, kasabay ng pagkakaroon ng face mask, pagsunod sa physical distancing at regular na hand sanitation.
Samantala, pinayuhan naman ni Nograles ang lahat na gawing regular ang pagsusuot ng face shield sa mga public settings gaya ng public transportation, ayon din sa tagubilin ng Inter-Agency Task Force at magiging bahagi ito sa mga minimum health standards.