Mahigit 7,000 Motorista, Pinagmulta dahil sa Paglabag sa Panuntunan ng Backriding

Inabisuhan at pinagmulta ng mga awtoridadad ang mahigit sa pitong libong motorista dahil sa paglabag sa pillion riding o backriding na kamakailan lamang pinayagan ng gobyerno para sa mga mag-asawa at live-in couples.
Inanunsiyo ni Task Force Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na mayroon ng 7,091 motorcycle riders ang nakatanggap ng warnings at pinagmulta simula nang payagan ang pillion riding noong July 10.
Sinabi ni Eleazar na 6,476 na mga nasitang motorista ay walang barrier sa motorsiklo, bukod sa pagiging ‘unauthorized couples’ tulad ng mga magkamag-anak, magkaibigan, magkapitbahay, at ang iba pa umano ay mga hindi magkakilala.
Sinabi ni Eleazar na matagal nang hinihingi ng mga motorista na payagan
ng pamahalaan ang backriding ngunit ngayong pinayagan ito, ay hindi naman
sumusunod ang iba sa panuntunan.
Dagdag pa ng Inter-Agency Task Force (IATF) commander na ang mga alintuntunin na ibinigay ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorcycle riders laban sa COVID-19.
Samantala, mayroon namang 7,680 riders na nakapagpatunay na sila ay kasal o di kaya’y live-in couples ngunit nakatanggap pa rin ng abiso dahil wala silang barriers sa motorsiklo.
Pinalawig naman hanggang July 26 ang paglalagay ng barrier sa motorsiklo.