Mahigit Dalawang Libong Jeep, Papasada na ulit sa Buong Metro Manila sa Susunod na Linggo

Pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang balik pasada ng tinatayang 1,943 na public utility jeepneys (PUJ) sa labing-pitong ruta sa buong Metro Manila sa susunod na linggo.
Ayon sa LTFRB, hindi na kakailanganin pa ng special permits para sa mga otorisadong units na papasada ngunit kakailanganin ang QR (quick response) code na maaring matagpuan sa naturang website ng ahensya na inisyu sa mga operator para sa pagbabalik operasyon ng mga ito.
Ang QR code ay isang patunay na maaring pumasada ang isang unit ng jeep sa lansangan at kumuha ng mga pasahero sa labing-pitong ruta sa buong Metro Manila.
Kaugnay nito, hinimok ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang mga operators na mahigpit sundin ang mga safety measures ng pamahalaan gaya ng pagsusuri ng sariling body temperature bago umarangkada sa kalsada, mandatoryong pagsusuot ng face mask/shield at gloves, at pagsunod sa 50% capacity rule ng mga pasahero.