Manila, Nagbukas ng Pangatlong Walk-in Testing Center

Sa pangatlong pagkakataon ay matagumpay na nakapagbukas ng panibagong libreng walk-in testing center ang lungsod ng Maynila kung saan nakapuwesto sa Justice Jose Abad Santos General Hospital.
Layunin ni Manila Mayor Isko Moreno na magkaroon ng libre at sapat na COVID-19 testing sites sa bawat sulok ng Maynila sa kabila ng mabilis na pagkalat ng sakit sa lungsod dahil sa mataas na bilang ng populasyon dito.
Kayang tumanggap mula 300 hanggang 500 test kada araw ang naturang testing center at accessible para sa lahat ng taga-Maynila, residente man o hindi.
Bukod sa walk-in testing facilities na hatid ng city government ay kabilang din ang drive-thru COVID-19 testing centers at mobile serology testing clinics bilang hakbang ng lungsod sa paglaban nito kontra sa pagkalat ng sakit.
Plano naman ng alkalde ang pagpapatayo ng ika-apat na walk-in testing facility sa Ospital ng Tondo.