Mga Atleta at Trainors na Lisensyando ng GAB, Nabigyan ng Ayuda

Naisakatuparan ni Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na walang maiiwang professional athletes sa pagbibigay ng ayuda sa pamahalaan sa gitna ng krisis dulot ng coronavirus COVID-19 pandemic.
Sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pangunguna ni Assistant Secretary Jade Jamolod, at pakikiisa ni Senator Bong Go, may kabuuang 166 boxers, mixed matial arts at muay thai fighters, trainers at ring officials ang nakatanggap ng tulong sa isinagawang Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) program sa Buhangin Gymnasium, Buhangin Davao City, at General Santos City
Kabuuang 59 individuals mula sa iba’t ibang barangay sa Davao City at Compostella Valley, habang mahigit 100 sa General Santos City ang napagkalooban ng ayuda na nagkakahalaga ng P5,000 cash at relief goods sa ilalim ng AICS program.
“Nagpapasalamat po tayo sa pagtugon ng DSWD para maisama ang ating mga kapus-palad na professional atheletes at individual na lisensiyado ng GAB sa mga nabigyan ng ayuda sa gitna ng krisis. Alam naman po natin na itong mga kasama natin ay nakabatay lamang sa kabuhayan ng bawat laban at sports events,” pahayag ni Mitra.
Ipinahatid din niya ang pasasalamat kay Senator Go, Chairman ng Senate Committee on Sports, sa binigay na karagdagang tulong sa Pinoy combat athletes tulad ng relief goods at mga bisikleta.
Nauna rito, nagsagawa ng relief operation ang GAB at DSWD sa mga Pinoy athletes na nakabase sa Manila at karatig lalawigan sa Luzon. Mula sa Davao City at General Santos City, tuloy ang programa sa Cagayan de Oro City.
Sinabi ni Mitra na ang programa ay naglalayon na maiangat ang moral ng mga atleta, trainors at iba pang individual sa komunidad ng pro sports sa apektado ng kasalukuyang pandemic.