• Malou Manuel

Mga Pasaway na Gaffer (Mananari), Babawian ng Lisensya nang GAB


Maaaring bawian ng lisensiya nang Games and Amusement Board (GAB) ang walong ‘gaffer’ (mananari) na kabilang sa 49 katao na nahuli sa ilegal na tupada na isinagawang Anti-Illegal Gambling Operation ng NBI-Region 4A sa Batangas City.

Kinondena ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang aktibidad na tahasang paglabag sa ipinatutupad na community quarantine sa ilalim ng Bayanihan Act ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni GAB Chairman Mitra na walang puwang sa ahensiya ang ilegal na gawain kaya’t inirekomenda ito sa GAB Board, na kinabibilangan din nina Commissioner Ed Trinidad at Mar Masanguid ang pagbawi sa lisensya ng walong mananari.

“Nakakalungkot pong isipin na sa kabila ng programang isinusulong ng GAB para mailagay sa ayos ang ating mga trabahador sa industriya ng sabong, marami pa ring pasaway na sumama sa mga ilegal na tupada. Hindi po natin papayagan na sirain ng ilan ang industriya,” pahayag ni Mitra.

Matapos italaga ng Pangulong Duterte, inaksyunan agad ni Mitra ang pagpapalawig ng lisensya para sa manggagamot, sentensyador at mananari sa sabong, bilang dagdag na mandato sa pag-regulate ng mga isinasagawang international derbies sa bansa.

Kinilala ang mga lisensyadong ‘gaffers’ na sina Elmer R. Enrico (BDr05-L18-00411; Edilberto C. Clanor, Jr. (CF-G-3760); Windel William P. Uy (CF-G-6080); Noel B. Santos (CF-G-4431); Roldan C. Sison (CF-G-3712); Rommel A. Panganiban (CF-G-3734); Jomar T. Marasigan (CF-G-3730) at Roger A. Munoz (CF-G-3718).

Dagdag pa ni Mitra, asahan na ang pagiging mahigpit na pagbabantay ng GAB sa mga lisensyadong personnel sa lahat ng professional sports at mga laro na nasa pangangasiwa ng ahensiya at umaasa siyang magsisilbi itong leksyon sa lahat upang makaiwas na masangkot sa ilegal na gawain.