Miss Philippines Earth 2020, Labis ang Pasasalamat at Ipinagmalaking Siya’y Isang ‘Proud Igorota’


Umaapaw ang pasasalamat ni Roxanne Baeyens matapos masungkit ang korona bilang Miss Philippines Earth 2020 sa naganap na kauna-unahang online competition sa larangan ng beauty pageant nitong linggo at malugod niyang ipinagmalaki na siya’y isang ‘proud igorota’.

Dulot ng pandemyang kinakaharap ng buong mundo, hindi naging hadlang para sa 23-anyos na beauty queen na maisakatuparan ang kanyang pangarap at hirangin bilang Miss Philippines Earth 2020.

Ibinahagi ni Beayens sa kanyang social media post, tuwing ito’y pinanghihinaan ng loob o hindi kaya’y nakakaramdam ng labis na pagkalungkot bago pa man sumapit ang nasabing kompetisyon, ipinapaalala niya sa kanyang sarili kung gaano ito kaswerte sa biyayang mayroon siya upang makatulong.

Lubos na pinasalamatan niya ang Baguio City na kanyang inirepresenta sa naganap na kompetisyon, maging ang lahat ng taong patuloy na sumusuporta, sumusubaybay at naniniwala sa kanyang kakayahan patungo sa paparating niyang paglalakbay bilang kinatawan ng bansa sa prestihiyosong Miss Earth 2020 ngayong Disyembre.