Negosyanteng Lalaki sa India, Nagsuot ng Gold Face Mask Kontra COVID-19

Isang lalaki sa Pune, India ang nagsuot ng face mask na gawa sa ginto bilang proteksyon kontra sa lumulubong kaso ng nakahahawang coronavirus sa kanilang bansa.
Tinatayang $4,000 ang nagastos ni Shankar Kurhade sa kanyang gold face mask na umabot sa halos walong araw upang magawa at may bigat na 60 grams.
Ayon kay Shankar, hindi niya sigurado kung epektibo nga ba ito upang maproteksyunan ang sarili sa nakakahawang sakit ngunit mayroon naman itong ibayong pang-iingat para masigurong ligtas ang sarili.
Sa edad na 48, kinagigiliwan ni Shankar ang pagsusuot ng mga alahas na gawa sa ginto gaya ng pulseras, kwintas at singsing.
Dagdag pa ni Shankar, agaw pansin aniya ang suot niyang face mask tuwing ito’y lumalabas at ang iba’y nagpapakuha pa ng litrato kasama siya.
Mandatoryo din ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar sa India matapos umabot sa daan-daang libong kaso at pagtaas ng bilang ng mga namamatay sanhi ng COVID-19.