• Estephany Rivera

New Zealand, COVID-Free Na!


Photo of Wellington New Zealand

Saya ang namutawi sa mga Kiwis nang ianunsiyo ng New Zealand government na napuksa na ang coronavirus disease 2019 (COVID-19), sa ngayon, sa bansa pagkatapos gumaling ang taong huling nagpositibo sa sakit.

Ayon kay New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern, may kumpiyansa siyang tuluyan nang napuksa ng bansa ang pandemya ngunit handa ang NZ gobyerno kung sakaling magkakaroon ng bagong kaso ng COVID-19.

Inalis na ng bansa ang mga quarantine restrictions nito sa public events, mass gatherings, retail, hospitality, transportasyon, at pagbabyahe ngunit patuloy parin nakasara ang borders sa lahat maliban sa mga residente at mamamayan ng New Zealand.

Sinabi ng mga eksperto na nakatulong ang lokasyon ng bansa, isang nakahiwalay na isla sa South Pacific, at ang maagap na pagpapatupad ng lockdown sa pagpuksa ng New Zealand sa virus.

Mahigit sa 1,500 lamang ang naitalang COVID cases ng bansa at 22 ang namatay.