• Malou Manuel

"No Vaccine, No Contact" muna para sa mga Atleta, ayon sa PSC


Nakabatay ang pagbabalik ng Sports sa ‘new normal’ sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID kaya’t pinapayuhan ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez ang lahat ng National Sports Association (NSA) na sumunod sa ipinapatupad na quarantine at ituon ang programa gamit ang teknolohiya upang patuloy na makapagsanay ang mga atleta.

"No vaccine, no contact sports muna talaga or else we want to sacrifice the health and well-being of the athletes and coaches," sambit ni Fernadez.

Iginiit ni Fernandez, ang Officer-in-Charge ngayon sa ahensiya habang nakabakasyon si Chairman William ‘Butch’ Ramirez, patuloy na makukuha ng mga atleta at coach ang kanilang buwanang allowances sa naunang napagpasiyahan na 50 porsiyento.

“The Philippine Amusement and Gaming Corporation remittance continued kaya tuloy-tuloy pa rin ang allowances ng mga atleta. We give 50 percent of their corresponding allowances para mapagkasya natin ang budget until December. Like other government agencies, nagbawas tayo ng budget para maidagdag sa gastusin ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19,” pahayag ni Fernandez.

“Tiis-tiis lang muna tayo dahil lahat tayo sa buong mundo ay naapektuhan ng pandemic. But rest assured, as what President Duterte instructed to us, aalagaan naming ang mga atleta,” dagdag pa ni Fernandez.

Nakabantay rin ang PSC sa pangangailangan ng mga atleta na kasalukuyang nasa abroad tulad nina pole vaulter EJ Obiena at gymnast Carlos Yulo –na kasalukuyang nagsasanay bilang paghahanda sa naudlot na Tokyo Olympics.

“Tutok tayo dyan. But for our athletes na under quarantine dito sa atin, tuloy lang ayuda natin,” pahayag ng four-time PBA MVP.

Kabilang sa programa na isinusulong ng PSC ay ang online module para sa training, strength and conditioning, psychological at medical test ang mga atleta at coaches.

“Kompleto tayo sa personnel para sa pangangailangan na yan ng mga atleta. On the part of the NSA’s we appreciate the initiatives para sa online training and competitions tulad ng chess, karate, and taekwondo,” aniya.