• Malou Manuel

Olympics, Mapaghahandaan pa ng mga Pinoy Boxers


Malaking tulong para sa mga Pinoy boxer ang pagkasela ng International Olympic Committee (IOC) sa Tokyo Olympics.


Ito'y dahil magkakaroon ng sapat na panahon ang mga pinoy boxer na paghandaan ang qualifying tournament na kanilang lalahukan kung saan hangad na makasama sa early qualifiers sina Eumir Marcial at Irish Magno.


Ang 2020 Summer Olympics ay nakatakda sana sa July 24 at magtatagal hanggang August 9, 2020 pero pinagpaliban ito at gagawin na lamang sa July 23 hanggang August 8, 2021.


“The cancellation of the quadrennial meet is a blessing in disguise because our boxers have a chance to prepare. The coaching staff with the help of Australian boxing consultant Do­nald Admintt have enough time to hone and sharpen the skills of the boxers,” sabi ni ABAP secretary general Ed Picson.


Kinansela ng IOC ang Olympic Games ngayong taon dahil ma­raming bansa din ang umatras dahil sa COVID-19 pandemic.


Dahil kumpyansa sa kakayahan ng mga boxers natin, umaasa si Picson na makakalusot ang kanilang aspirants at makasama sina Marcial at Magno na kapwa taga-Mindanao sa Olympic proper. Target nila na masungkit ang ginto na kumawala kina Anthony Villanueva noong 1964 sa Tokyo at Onyok Velasco noong 1996 sa Atlanta, USA.


“Sana ito na yung oras na pinakahihintay natin na masungkit ang gintong medalya sa Tokyo at maging unang National Sport Association na manalo ng ginto sa Olympic Games.”, wika pa ni Picson.


Kabilang sa mga aspirant sina Ian Clark Bautista, James Palicte, Nesty Petecio at Riza Pasuit.


Kasama ang boxing sa may sampung combat sports na lalaruin sa Tokyo Japan.