One Hospital Command Center, Binuksan ng Pamahalaan

Matapos sumipa patungong danger zone ang kapasidad ng mga medical institution sa buong National Capital Region (NCR), nagtayo ang pamahalaan ng One Hospital Command Center (OHCC) sa Makati upang mabigyang-pansin ang occupancy rate at critical care resources ng lahat ng ospital sa bansa.
Nakipag-ugnayan ang Department of Health (DOH) at ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa mga establisyimentong gagamitin sa ilalim ng proyektong ito.
Ayon kay DOH Undersecretary Leopoldo Vega, tutulungan ng OHCC ang mga ospital na maiwasan ang overcrowding, at magbibigay ito ng referral sa mga pasyenteng pumupunta sa mga medical institution na mayroon nang full capacity.
Samantala, ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, magbubukas din ang OHCC sa iba't ibang mga rehiyon ng bansa.