top of page

Oso sa Italy, Pinatawan ng Parusang Kamatayan Matapos Atakihin ang mga Hikers


Photo for illustration purposes only.

Iniutos ng lokal na pamahalaan ng Trentino, Italy ang pagdakip at pagpatay sa isang brown bear matapos nitong atakihin ang dalawang lalaki na naglilibot sa isang hiking trail sa lugar.


Ayon kina Fabio Misseroni, 59, at kaniyang anak na si Christian Misseroni, 28, naglalakad raw sila nang biglang umatake ang oso at kinagat ang binti ng nakababatang Misseroni.

Nabali naman binti ni Fabio, sa tatlong magkakaibang lugar, nang atakihin ito ng oso matapos nitong umakyat sa likuran ng hayop upang iligtas ang anak.

Batay sa regulasyon ng National Institute for Environmental Protection and Research ng Italya, ang mga osong umatake ng tao ay sasailalim sa euthanization o mercy killing.

Sinusubukan na ng mga awtoridad na hanapin ang hayop sa pamamagitan ng DNA na mahahanap sa damit at sugat ng mga biktima, ayon na rin sa cull order na inilabas ni Trentino Governor Maurizio Fugatti.

Gayunpaman, maraming animal protection group ang tutol sa hatol at nagpoprotestang iurong daw ang death sentence na ipinataw dito hanggat wala pang full investigation na nagaganap.

Halos 15,000 katao na ang pumirma sa isang petisyon ng World Wide Fund for Nature na layon ang agarang pagbabawal sa death sentence sa hayop.

bottom of page