P700 Million, Ilalaan ng DepEd para sa Internet Connection ng 7,000 Public Schools

Maglalaan ang Department of Education (DepEd) ng P700 million para sa internet connection ng nasa 7,000 pampublikong paaralan sa buong bansa, ayon sa ika-14 na ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso.
Sinabi ng pangulo na ito raw ay paghahanda ng pamahalaan sa paglipat ng education system sa online learning bilang resulta sa coronavirus outbreak na kinaharap ng bansa.
Dagdag pa ni Duterte sa kaniyang report sa Kongreso, isinasaayos na ng DepEd ang procurement ng internet connection upang madagdagan na ang mga pampublikong eskuwelahan na mayroong internet access.
Target ng ahensiya na matapos ang proyekto sa loob ng sampung buwan.
Naghahanda na rin ang DepEd para sa blended learning, kombinasyon ng online distance learning at in-person delivery of learning materials, sa pagbubukas ng klase sa August 24.