PACC, Nagsalita Patungkol sa mga Isyu na Kinakaharap ng PhilHealth

Sa panayam ng Radyo Pilipino sa programa nitong Pulsong Pinoy kay Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica, sinabi niya ang mga pangyayari na nagaganap sa kasalukuyang isyu na kinakaharap ng PhilHealth, at sa naging pagdinig may kaugnay dito ng Senado.
Ayon kay Belgica, hindi naman itinatanggi ng PhilHealth, sa pangunguna ni President Ricardo Morales ang mga paratang sa kaniya, at nagpakita ito ng kooperasyon sa pagdinig ng Senado. Ayon din sa PACC commissioner, hindi lang dapat ang mga nasa taas ang managot sa katiwaliang ito, kundi lahat ng mga opisyal mula ulo hanggang paa ay responsable sa corruption na nangyari sa kagawaran. Pinayuhan din ni Belgica ang PhilHealth na magkaroon ng maayos na ID System at Investigative System na tututok sa mga kaso sa loob ng ahensya. Samantala, sinabi din ng commissioner na patuloy na dadami ang mga lalabas na mga testigo yamang iimbestigahan ang mga Regional office ng PhilHealth, at kasalukuyang nasa 36 na pangalan ang sangkot dito, at inaasahang 15 sa mga statement na ito ay maipapasa na sa Office of the Ombudsman sa susunod na linggo. Siniguro naman ni Belgica na papanatilihin ng PACC na anonymous ang pagkakakilanlan ng mga testigong ito upang mapanatili ang kanilang seguridad at kaligtasan.