Pagbaba ng Minimum Height Requirement sa Pagiging Pulis, Aprubado nina Bato at Zubiri

Pinaboran ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang bill na pinasimulan ni Senator Ronald "Bato" Dela Rosa na naglalayong babaan ang height requirement ng mga nagnanais na maging bahagi ng pulisya.
Mula sa dating 1.62 meters o 5'3" feet para sa mga kalalakihan at 1.57 meters o 5'2" para sa mga kababaihan, magiging 1.57 meters o 5'2" at 1.52 meters 5'0" ang kailangang height upang makapasok ang isa sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology o sa Bureau of Corrections.
Binanggit ni Senator Bato na sa ilalim ng Senate Bill No. 1563 o Height Equality Act, hindi naman makokompromiso ang kalidad ng gawa at trabaho ng mga Pilipinong nais magserbisyo sa bansa.
Magtatakda din ng waiver ang bill na ito para sa mga cultural communities at indidenous people sa kanilang aplikasyon sa mga departamentong pampulisya upang magbigay ng konsiderasyon sa kanila.
Dagdag pa ni Senator Zubiri, inaprubahan niya ang bill na matapos marinig ang mga sentimyento at pahayag ng ilang mga nais maglingkod sa bayan ngunit hindi nakaabot sa height requirements.